Isang Pahayag na aking nabasa sa
isang gate ng eskwelahan sa daan pauwi ng Nueva Ecija. Kagyat na minuni ko ang
pahayag na ito mangyaring likas sa akin ang bigyan ng Kabuluhan ang mga bagay
na walang kahulugan (sa simula).
Naisaisip ko tuloy mayroon nga bang Maganda o
di-Magandang Edukasyon? sa paanong paraan kaya nila nasabi na Maganda o
di-Maganda ang Edukasyon? Nasusukat ba ang Maganda o di-Maganda, sangayon sa
istruktura at disensyo ng paaralan? Mababatid ba ng mga simpleng mamamayan ang
Maganda o di-Magandang Edukasyon depende sa Taas o Baba ng matrikula? Maganda o
di-Maganda ayon sa suot na uniporme, kintab at gara ng sapatos? Mamahaling gadgets at cellphone? Mauunawaan ba ng mga mag-aaral na ang Magandang
Edukasyon ay hindi lamang tumutukoy sa Pribadong Paaralan na lingid naman sa
kaalaman ng mga nasa pam-Publiko?
Ano nga ba ang sukatan ng MAGANDANG
EDUKASYON? Ano-ano ang mga katangian ng isang EDUKASYON na maaring magbigay
kahulugan kung ito nga ba ay MAGANDA o di-MAGANDA?
Sa aking pananaw, salig o labas man sa pinaniniwalaang Pilosopiya ng iba. Ang Edukasyon kailanman ay hindi nararapat na turingan sa Maganda o di-Maganda sapagkat kung susuriin ang salitang GANDA o (Ma)+GANDA ito ay tumutukoy lamang sa pagkakaroon ng isang bagay o Pagtataglay ng ganda o inam ng isang bagay. Malayo sa tunay na salitang mas tumpak na gamitin.
Ang Magandang Edukasyon nga ba ay
tumutukoy sa Kalidad ng Edukasyon? At kung papalitan ang Maganda ng “Dekalidad na Edukasyon Karapatan ng Bawat
Kabataan” mas magiging mainam nga
ba ito? Paano naman ngayon natin susukatin ang Kalidad ng Edukasyon na siyang
sinasabing karapatan ng bawat Kabataan?
Ang Dekalidad bang Edukasyon ay
makukuha sa isang Paaralang o Institusyong
Pribado at hindi pam-Publiko? May Aircon at hindi Electric fan? White
Board at hindi Black board? White board Marker at hindi Chalk? Projector at hindi
Manila paper o pinaglumaang Kalendaryo? Tablet/Electronic Book at hindi inaamag
at kulang-kulang na pahina ng librong pangatlong henerasyon na ang nakagagamit?
Di-Flush na palikuran at hindi pila-pilang di-tabo na mahaba pa sa pila ng
relief goods at NFA Rice? Ito ba ang mga bagay na nararapat nating
isaalang-alang upang matukoy at makilala ang isang paaralang makapagbibigay sa
atin ng Dekalidad na Edukasyon?. Kung ito nga, masasabi ba natin na hindi
maituturing na dekalidad ang Edukasyon na matatamo natin sa Tradisyunal na
paraan ng pagtuturo kasama ng mga Tradisyunal na Gamit Pampagtuturo?
Ang Magandang Edukasyon na maituturing na Dekalidad sa aking pananaw ay yaong Edukasyon na mas mainam na
tawaging Epektibo. Epektibo hindi sa
kadahilang ang Edukasyong ito ay matatamo lamang sa mga Pribadong Paaralan
kundi maging sa mga Pampublikong Institusyon. Epektibo sapagkat ang mga Guro
una sa lahat ay kapwa nagsipagtapos nang Pagka-Guro. Lisensyado, Maalam,
Aktibo, Malikhain , Positibo at inilalangkap ang Puso sa bawat hakbang at
kilos.
“Epektibong Edukasyon Karapatan ng Bawat Kabataan”
-Puno,Wilaiza Maris Cunanan
Area Coordinator, Nueva Ecija
Epektibo sapagkat ang pangunahing layon ng Edukayon ay gawing matatag ang
bawat mag-aaral. Bawat
indibidwal ay maging Epektibo at Makabuluhang mamamayan. Matatag na makatatayo sa kani-kaniyang mga paa gamit ang kaalamang
nakalap at naitanim sa kanila ng kanilang mga guro. Epektibong Edukasyon na
makapagbibigay sa kanila ng ibayong tiwala sa sarili at lakas ng loob.
Epektibong Edukasyon na magagamit nila sa loob at labas ng Paaralan. Epektibong
Edukasyon na magagamit nilang sandata sa bawat pakikipaglaban na susuumin sa
buhay. Epektibong Edukasyon na magagamit nila upang buhayin ang kani-kaniyang
pamilya. Epektibong Edukasyon na siyang magiging susi upang makamit ang mga
pangarap at mithiin at Epektibong Edukasyon upang makamit ang tagumpay.
