Huwebes, Agosto 9, 2012

Ang sagot sa LUMULOBONG POPULASYON ay LOBO...sinong may sabing masagwa’t masama?


Pagsasabatas ng RH Bill napapanahon na ba...?

Sa tuwinang napag-uusapan ang RH Bill sari-saring opinyon at komento ang palagi ng kaakibat nito. Naroong may Sangayon at Tutol. Ngunit ano nga ba ang nilalaman ng RH Bill? At ano ang mga bagay na taglay nito ang patuloy  na tinututulan hindi lamang ng Simbahang Katoliko kundi maging ng ilang pam-publiko at pribadong organisasyon? Ang buong batas ba o iilan lamang sa nilalaman nito ang nararapat na rebesahin at hindi ang buong batas na ito ang nararapat na ibasura?

Sa matagal na ring panahon ng pag-aaral, pagbabasa, pakikinig, pagtakay at pakikipag-debate marami-rami naring mga pahayag ang aking narinig ukol dito. Nararapat na ibasura sapagkat ang mga Pilipino ay kilala noon kundi man ngayon na mga konserbatibo at may malaking pagpapahalaga sa dignidag at moralidad lalo ng mga kababaihan.

Ang pagsasabatas ng RH Bill ay pinaniniwalaan na isang batas na siyang tuluyang yuyurak at dudusta sa pinangangalagaang kaugalian at paniniwalang ito. Ang RH Bill sa paniniwala at pagkakaunawa ng karamihan ay isang batas na magtuturo at magbubukas sa kamalayan ng mga mamamayan lalo ng mga kabataan sa mga bagay na lihis sa kagandahang asal at pagpapahalaga sa moralidad sapagkat ang tuon nito ay sa SEX EDUCATION na nakasentro sa pagbibigay kaalaman tungo sa ligtas at responsableng pakikipagtalik.

Sex Education sa pangalan o katawagan palang ay tututulan na ng simbahan at mga magulang na likas na konserbatibo at nangingilag na marinig ng mga bata ang salitang “SEX” lalo naman kung itatambal ito sa“Education.”

“Iwan na lamang daw natin sa mga magulang ang pagtuturo ng ganitong bagay sa kanilang mga anak.”,”Malalaman at mauunawaan din naman daw nila ito sa tamang panahon.”

 Kung sabagay totoo nga naman sapagkat sino nga ba ang mas nakakaalam nang higit na makabubuti para sa kanilang mga anak kundi ang magulang. Bakit kaya hindi ang mga magulang ang sumali at umattend sa mga programa o institusyon na mayroon, nagbibigay o nagtuturo ng sex education upang maging sapat at ganap ang kanilang kaalaman ukol dito at magkaroon sila ng malawak na pag-unawa hindi lamang sa “Sex Education” kundi maging sa RH Bill at sa gayon, sila bilang mga magulang o/at nakatatanda ay magkaroon ng mahusay at katanggap-tanggap na pagpapaliwanag sa kanilang mga anak upang hindi mangyaring dahilan sa hindi sapat na kaalaman at taliwas na paniniwala ay makalunok ng pakwan ang kanilang si “Nene” dahilan sa pagkahawak ng kamay o paghimas sa kanilang mga flower/pepe/poy-poy ni “Totoy”.

Agresibo ang mga kabataan at sadyang malawak ang imahinasyon na kung minsa’y mapaglaro rin at padalos-dalos. Palagi na ay kailangan ng mas nakababata/kabataan ang gabay ng mga nakatatanda na inaasahang higit na maalam at may maayos na paliwag sa mga bagay na hindi pa man alam at lubos na nauunawaan. Datapwat kung patuloy nating panghahawakan ang isipin nang pagiging konserbatibo at lilimitahan natin hindi lamang ang kaalaman kundi maging ang katotohanan mapanindigan lamang ang paniniwalang ito kailan pa tayo matututo at kailan pa tayo magkakaroon ng disiplina?

Sa aking pananaw/paniniwala hindi lamang ang patuloy na kahirapan ang siyang naglulugmok sa atin kundi lalo’t higit ang kamangmangan. Hindi ko sinasabing katalinuhan ang pagsang-ayon dito (sa RH Bill) at kamangmangan ang pagtutol. Ngunit ano ang maaring itawag sa mga taong nakiki-Oo at nakiki-Ayaw! nang walang sapat na pag-unawa.

Ako bilang isang kabataan, Ako bilang kabataan na nakapagtapos ng  pagka-GURO at Ako bilang isang malayang kabataan sa pag-iisip,pagbabasa at pagsasalita hindi pa man marahil ganap ang aking pag-unawa at kaalaman sa lahat ng bagay sa bansa..sa mundo.. naniniwala akong nararapat na maisabatas ang RH Bill. Sagkat ang batas na ito ay ginawa, plinano,pinag-usapan sa hangarin nang kabutihan para sa bawat mamamayan, para sa bansang Pilipinas, para sa bawat Pilipino na nakauunawa at nakapagsasalita ng Filipino. Kung ang RH Bill ay mangyaring maisabatas nais ko lamang na isa-isip natin na;

“Pulutin natin at payabungin ang sa tingin nating maganda at mahusay na butil na makatutulong sa ating pag-unlad. Gayon pa man, itapon at huwag pupulitin ang masamang butil kung sa tingin natin ay hindi makabubuti at makakatulong.”

“Hindi ang pagkakataong matuto nang mga bagay na makabubuti ang nararapat nating tutulan kundi ang anumang masama kung ating nauunawaan.”

“Maging responsible tayo lalo’t higit saganang ating mga sarili. Maisabatas man o hindi ang RH Bill.”

Huwag sana tayong makulong sa mga paniniwala at pansariling kaisipan ng iba. Kung mangyaring narinig natin na ang ganito o ganyang paksa/proseso/batas ay isinagawa at pinatupad sa ganito o ganyang bansa ngunit imbes na makatulong ay lalo lamang nakasama.Paka-isipin sana natin kung nararapat ba nating panghawakan at paniwalaan ang mga pahayag o/at pansariling opinyon ng iba.

Huwag tayong manatili sa loob ng kahon na nagsilbi nating kulungan.   Kulungang pumipiit sa ating mga pananaw at pansariling pag-iisip. Huwag tayong pakulong sa mga paniniwalang Positibo sa ating paningin datapwat kahinaan para sa iba. Pakaisipin sana natin kung iilan pa kayang dalagang Pilipina ang naka-saya at  ni ayaw padapuan ng sulyap ang bukong-bukong at lalo ang binti.ilan pa kaya ang dalagang Pilipinang na dahilan sa pagkakasagi ng daliri ay nakapag-aasawa nang wala sa oras ng dahil lamang sa maling paniniwala na sila ay mangabubuntis. ilan na kayang kabataan ang dahilan sa hindi sapat na kaalaman ay maagang nabuntis at nagkaanak, napasubo at sumuom sa isang relasyon sa mura pang katawan at isipan. At ilan ding “Totoy” at “Angelito” ang dumanas nang katulad sa dinanas ni “Nene”at “Rosalie” dahilan sa walang sapat na kaalaman at pag-iingat ay nabuntis, na-anakan at nakapag-asawa sa hindi napag-planuhang panahon at napaghandaang pagkakataon.

Huwebes, Hulyo 26, 2012

“Magandang Edukasyon Karapatan ng Bawat Kabataan” - anonymous


  Isang Pahayag na aking nabasa sa isang gate ng eskwelahan sa daan pauwi ng Nueva Ecija. Kagyat na minuni ko ang pahayag na ito mangyaring likas sa akin ang bigyan ng Kabuluhan ang mga bagay na walang kahulugan (sa simula).

  Naisaisip ko tuloy mayroon nga bang Maganda o di-Magandang Edukasyon? sa paanong paraan kaya nila nasabi na Maganda o di-Maganda ang Edukasyon? Nasusukat ba ang Maganda o di-Maganda, sangayon sa istruktura at disensyo ng paaralan? Mababatid ba ng mga simpleng mamamayan ang Maganda o di-Magandang Edukasyon depende sa Taas o Baba ng matrikula? Maganda o di-Maganda ayon sa suot na uniporme, kintab at gara ng sapatos? Mamahaling gadgets at cellphone? Mauunawaan ba ng mga mag-aaral na ang Magandang Edukasyon ay hindi lamang tumutukoy sa Pribadong Paaralan na lingid naman sa kaalaman ng mga nasa pam-Publiko?

  Ano nga ba ang sukatan ng MAGANDANG EDUKASYON? Ano-ano ang mga katangian ng isang EDUKASYON na maaring magbigay kahulugan kung ito nga ba ay MAGANDA o di-MAGANDA?


 Sa aking pananaw, salig o labas man sa pinaniniwalaang Pilosopiya ng iba. Ang Edukasyon kailanman ay hindi nararapat na turingan sa Maganda o di-Maganda sapagkat kung susuriin  ang salitang GANDA o (Ma)+GANDA ito ay tumutukoy lamang sa pagkakaroon ng isang bagay o Pagtataglay ng ganda o inam ng isang bagay. Malayo sa tunay na salitang mas tumpak na gamitin.

  Ang Magandang Edukasyon nga ba ay tumutukoy sa Kalidad ng Edukasyon? At kung papalitan ang Maganda ng “Dekalidad na Edukasyon Karapatan ng Bawat Kabataan” mas magiging mainam nga ba ito? Paano naman ngayon natin susukatin ang Kalidad ng Edukasyon na siyang sinasabing karapatan ng bawat Kabataan?

  Ang Dekalidad bang Edukasyon ay makukuha sa isang Paaralang o Institusyong  Pribado at hindi pam-Publiko? May Aircon at hindi Electric fan? White Board at hindi Black board? White board Marker at hindi Chalk? Projector at hindi Manila paper o pinaglumaang Kalendaryo? Tablet/Electronic Book at hindi inaamag at kulang-kulang na pahina ng librong pangatlong henerasyon na ang nakagagamit? Di-Flush na palikuran at hindi pila-pilang di-tabo na mahaba pa sa pila ng relief goods at NFA Rice? Ito ba ang mga bagay na nararapat nating isaalang-alang upang matukoy at makilala ang isang paaralang makapagbibigay sa atin ng Dekalidad na Edukasyon?. Kung ito nga, masasabi ba natin na hindi maituturing na dekalidad ang Edukasyon na matatamo natin sa Tradisyunal na paraan ng pagtuturo kasama ng mga Tradisyunal na Gamit Pampagtuturo?

  Ang Magandang Edukasyon na maituturing na Dekalidad sa aking pananaw ay yaong Edukasyon na mas mainam na tawaging Epektibo. Epektibo hindi sa kadahilang ang Edukasyong ito ay matatamo lamang sa mga Pribadong Paaralan kundi maging sa mga Pampublikong Institusyon. Epektibo sapagkat ang mga Guro una sa lahat ay kapwa nagsipagtapos nang Pagka-Guro. Lisensyado, Maalam, Aktibo, Malikhain , Positibo at inilalangkap ang Puso sa bawat hakbang at kilos.


“Epektibong Edukasyon Karapatan ng Bawat Kabataan”
                                   
                                 -Puno,Wilaiza Maris Cunanan
                               Area Coordinator, Nueva Ecija


Epektibo sapagkat ang pangunahing layon ng Edukayon ay gawing matatag ang bawat mag-aaral. Bawat indibidwal ay maging Epektibo at Makabuluhang mamamayan. Matatag na makatatayo sa kani-kaniyang mga paa gamit ang kaalamang nakalap at naitanim sa kanila ng kanilang mga guro. Epektibong Edukasyon na makapagbibigay sa kanila ng ibayong tiwala sa sarili at lakas ng loob. Epektibong Edukasyon na magagamit nila sa loob at labas ng Paaralan. Epektibong Edukasyon na magagamit nilang sandata sa bawat pakikipaglaban na susuumin sa buhay. Epektibong Edukasyon na magagamit nila upang buhayin ang kani-kaniyang pamilya. Epektibong Edukasyon na siyang magiging susi upang makamit ang mga pangarap at mithiin at Epektibong Edukasyon upang makamit ang tagumpay.

Ako MUNA...



Naisipan kong gumawa ng  blog upang mabigyang daan ang samu’t-saring kaisipan, opinion, suhestyon at sentimyento ko. Dito’y hindi ko layon na makialam o manguna kundi bigyan lamang ng kasagutan ang ilang mga bagay-bagay na bagaman sa hindi MAGULO ay hindi rin MALINAW.



Ako si Wilaiza “Maris” Cunanan Puno. Dalawamput isang taong gulang. Ipinanganak at nagkaisip sa Bayan ng Concepcion,Tarlac. Gumugol ng anim na taon sa pag-aaral ng Elementarya sa Mababang Paaralan ng Culatingan,Elementary School. Nagkaroon ng pagkakataong makapag-aral ng Sekondarya sa Zaragoza, National High School sa Nueva Ecija sa loob ng Dalawang taon datapwat kinailangang bumalik sa Tarlac upang doon magpatuloy at Magtapos ng Sekondarya. Nag-aral at Nagtapos sa Pamantasang Normal ng Pilipinas ang kinikilalang Pambansang Sentro ng Edukasyon Pangguro. Pinili at ninais na mapabilang sa mga nagpapakadalubhasa sa Wikang Filipino. Matyagang bumasa at sumuri ng mga Nobela,Kwento at Talambuhay na nasulat sa Ingles at Filipino. Nakahiligang bumuo at sumulat ng Tula na kadalasang ang Tema ay pumapaksa sa Kalungkutan, Pagdaramdam, Pangungulila, Kabiguan, Pag-ibig, Pasasalamat, Edukasyon, Politika, Nakalipas at mga Karanasang minsay Masaya minsay malungkot. Nagbibigay kuro (hinihingi man o hindi) sa mga bagay at isyu na may kinalaman sa mga Pambansang usapin o isyu. Bumabasa, Nagsusulat at Nagsasalita sa sarili kong kaparaanan at pagkakaunawa sa mga bagay-bagay. Hindi ko hinangad na manguna o makialam sa paniniwala o isipin ng sinuman datapwat nais kong maipaalam na ako ay isang Kabataang buhay at nabubuhay hindi lamang para sa aking kapakinabangan at sarili.

Ngayon ay binuksan sa akin ang pagkakataon na  maging isang  AREA COORDINATOR ng isang Organisasyong ang pangunahing dahilan ng pagkakatatag ay mapabuti o/at makatulong tungo sa ikabubuti ng mga Paaralan at Institusyon sa Pilipinas. Isang baguhang Organisasyon na unti-unting gumagamot sa inaamag na kasanayan at sistema sa Edukasyon sa Pilipinas. Hinihilom ang pinakamaliit na galos na mayroon ang sistemang ito na siyang hindi naman nakikita o nagawan ng agarang aksyon ng  mga mas mataas at taal na sa ganitong kalakaran. Baguhang Organisasyon na pinalakas at sinuportahan ng mga Pribadong Organisasyon at Sangay ng Lokal na Pamahalaan sa Pilipinas sapagkat nakitaan ng Positibo at Makabuluhang layunin at tunguhin ang CMS o Checkmyschool.org.  Baguhang Organisasyon na gamot at sagot sa Lumang Hinaing, Daing at Hiling ng mga mag-aaral, guro at mga simpleng mamamayan na may pagpapahalaga sa isang Mabuti, Maayos, Maganda, Dekalidad at Epektibong edukasyon.