Pagsasabatas
ng RH Bill napapanahon na ba...?
Sa tuwinang napag-uusapan ang RH Bill sari-saring
opinyon at komento ang palagi ng kaakibat nito. Naroong may Sangayon at Tutol.
Ngunit ano nga ba ang nilalaman ng RH Bill? At ano ang mga bagay na taglay nito
ang patuloy na tinututulan hindi lamang
ng Simbahang Katoliko kundi maging ng ilang pam-publiko at pribadong
organisasyon? Ang buong batas ba o iilan lamang sa nilalaman nito ang nararapat
na rebesahin at hindi ang buong batas na ito ang nararapat na ibasura?
Sa
matagal na ring panahon ng pag-aaral, pagbabasa, pakikinig, pagtakay at
pakikipag-debate marami-rami naring mga pahayag ang aking narinig ukol dito.
Nararapat na ibasura sapagkat ang mga Pilipino ay kilala noon kundi man ngayon
na mga konserbatibo at may malaking pagpapahalaga sa dignidag at moralidad lalo
ng mga kababaihan.
Ang
pagsasabatas ng RH Bill ay pinaniniwalaan na isang batas na siyang tuluyang
yuyurak at dudusta sa pinangangalagaang kaugalian at paniniwalang ito. Ang RH
Bill sa paniniwala at pagkakaunawa ng karamihan ay isang batas na magtuturo at
magbubukas sa kamalayan ng mga mamamayan lalo ng mga kabataan sa mga bagay na
lihis sa kagandahang asal at pagpapahalaga sa moralidad sapagkat ang tuon nito
ay sa SEX EDUCATION na nakasentro sa pagbibigay kaalaman tungo sa ligtas at responsableng
pakikipagtalik.
Sex
Education sa pangalan o katawagan palang ay tututulan na ng simbahan at mga
magulang na likas na konserbatibo at nangingilag na marinig ng mga bata ang
salitang “SEX” lalo naman kung itatambal ito sa“Education.”
“Iwan na lamang daw natin sa mga magulang
ang pagtuturo ng ganitong bagay sa kanilang mga anak.”,”Malalaman at mauunawaan
din naman daw nila ito sa tamang panahon.”
Kung sabagay totoo nga naman sapagkat sino nga
ba ang mas nakakaalam nang higit na makabubuti para sa kanilang mga anak kundi
ang magulang. Bakit kaya hindi ang mga magulang ang sumali at umattend sa mga
programa o institusyon na mayroon, nagbibigay o nagtuturo ng sex education upang
maging sapat at ganap ang kanilang kaalaman ukol dito at magkaroon sila ng malawak
na pag-unawa hindi lamang sa “Sex Education” kundi maging sa RH Bill at sa
gayon, sila bilang mga magulang o/at nakatatanda ay magkaroon ng mahusay at
katanggap-tanggap na pagpapaliwanag sa kanilang mga anak upang hindi mangyaring
dahilan sa hindi sapat na kaalaman at taliwas na paniniwala ay makalunok ng
pakwan ang kanilang si “Nene” dahilan sa pagkahawak ng kamay o paghimas sa
kanilang mga flower/pepe/poy-poy ni “Totoy”.
Agresibo
ang mga kabataan at sadyang malawak ang imahinasyon na kung minsa’y mapaglaro
rin at padalos-dalos. Palagi na ay kailangan ng mas nakababata/kabataan ang
gabay ng mga nakatatanda na inaasahang higit na maalam at may maayos na paliwag
sa mga bagay na hindi pa man alam at lubos na nauunawaan. Datapwat kung patuloy
nating panghahawakan ang isipin nang pagiging konserbatibo at lilimitahan natin
hindi lamang ang kaalaman kundi maging ang katotohanan mapanindigan lamang ang
paniniwalang ito kailan pa tayo matututo at kailan pa tayo magkakaroon ng
disiplina?
Sa
aking pananaw/paniniwala hindi lamang ang patuloy na kahirapan ang siyang
naglulugmok sa atin kundi lalo’t higit ang kamangmangan. Hindi ko sinasabing
katalinuhan ang pagsang-ayon dito (sa RH Bill) at kamangmangan ang pagtutol.
Ngunit ano ang maaring itawag sa mga taong nakiki-Oo at nakiki-Ayaw! nang
walang sapat na pag-unawa.
Ako
bilang isang kabataan, Ako bilang kabataan na nakapagtapos ng pagka-GURO at Ako bilang isang malayang
kabataan sa pag-iisip,pagbabasa at pagsasalita hindi pa man marahil ganap ang
aking pag-unawa at kaalaman sa lahat ng bagay sa bansa..sa mundo.. naniniwala
akong nararapat na maisabatas ang RH Bill. Sagkat ang batas na ito ay ginawa,
plinano,pinag-usapan sa hangarin nang kabutihan para sa bawat mamamayan, para
sa bansang Pilipinas, para sa bawat Pilipino na nakauunawa at nakapagsasalita
ng Filipino. Kung ang RH Bill ay mangyaring maisabatas nais ko lamang na
isa-isip natin na;
“Pulutin
natin at payabungin ang sa tingin nating maganda at mahusay na butil na
makatutulong sa ating pag-unlad. Gayon pa man, itapon at huwag pupulitin ang
masamang butil kung sa tingin natin ay hindi makabubuti at makakatulong.”
“Hindi
ang pagkakataong matuto nang mga bagay na makabubuti ang nararapat nating
tutulan kundi ang anumang masama kung ating nauunawaan.”
“Maging responsible tayo lalo’t higit saganang ating mga sarili.
Maisabatas man o hindi ang RH Bill.”
Huwag sana tayong makulong sa mga paniniwala at pansariling kaisipan
ng iba. Kung mangyaring narinig natin na ang ganito o ganyang
paksa/proseso/batas ay isinagawa at pinatupad sa ganito o ganyang bansa ngunit
imbes na makatulong ay lalo lamang nakasama.Paka-isipin sana natin kung
nararapat ba nating panghawakan at paniwalaan ang mga pahayag o/at pansariling
opinyon ng iba.
Huwag tayong manatili sa loob ng kahon na nagsilbi nating kulungan. Kulungang pumipiit sa ating mga pananaw at pansariling pag-iisip. Huwag tayong
pakulong sa mga paniniwalang Positibo sa ating paningin datapwat kahinaan para
sa iba. Pakaisipin sana natin kung iilan pa kayang dalagang Pilipina ang naka-saya
at ni ayaw padapuan ng sulyap ang
bukong-bukong at lalo ang binti.ilan pa kaya ang dalagang Pilipinang na dahilan
sa pagkakasagi ng daliri ay nakapag-aasawa nang wala sa oras ng dahil lamang sa
maling paniniwala na sila ay mangabubuntis. ilan na kayang kabataan ang dahilan
sa hindi sapat na kaalaman ay maagang nabuntis at nagkaanak, napasubo at sumuom
sa isang relasyon sa mura pang katawan at isipan. At ilan ding “Totoy” at
“Angelito” ang dumanas nang katulad sa dinanas ni “Nene”at “Rosalie” dahilan sa walang
sapat na kaalaman at pag-iingat ay nabuntis, na-anakan at nakapag-asawa sa hindi
napag-planuhang panahon at napaghandaang pagkakataon.
